




MARCH 13, 2010
Para sa akin, ito ang una sa mga pinakamasayang araw ko ngayong 2010. Masaya kasi nakarating ako sa isang makasaysayang lugar sa Pilipinas: ang Isla ng Corregidor. Matatagpuan ito sa Manila Bay at ito ay may mahalagang papel sa kasaysayan ng ating bansa. Ito ay nagsisilbi bilang "bantay" sa Manila Bay kung mayroon mang mga dayuhan na sasalakay sa ating bansa. Noong panahon ng Hapones, nagsilbi itong lugar kung saan inilipat ang pamahalaang Commonwealth at base ng mga sundalong Amerikano at Pilipino at noong bumagsak ito noong May 6, 1942, ito din ang naging hudyat na ang buong Pilipinas ay nasakop ng mga Hapones. Ngayon, ito ay isang tourist spot na dinarayo ng mga turista mula sa ibang bansa at maging ng mga kapwa nating Pilipino.
Dito sa biyaheng ito unang beses akong nakasakay sa isang sasakyang pandagat, sa isang ferry kung saan ihahatid kami sa Isla ng Corregidor. Marami din akong natutuhan sa biyaheng ito tungkol sa kasaysayan ng ating bansa. Marami rin akong mga lugar na napuntahan na dati ko lang nakikita sa mga libro at napapanood sa telebisyon. Nakarating na ako sa mga lugar na ito ng personal at marami pa akong natutunan sa biyaheng ito. Ito ay masasabi kong biyahe na puno ng saya, aral, at misteryo sa mga lugar na napuntahan namin sa isla.